Monday, May 13, 2013

exercise ur right to vote

well-written piece by a good friend.

--------------------------------------------------------------------

Ako Ang Botanteng Pilipino
By: Ariel

Ako ang botanteng Pilipino. Gigising ako ng maagang-maaga sa Mayo a-trese para pumunta sa Graciano Lopez Jaena High nang sa gayun ay libre na ang almusal ko. Namimigay kasi si Mayor ng tsibug para sa mga maagang pumipila tuwing eleksiyon. Samu’t sari ang naiuuwi ko tuwing may halalan. May t-shirt na ako na may letrato ni Bise Presidente. Sana makakuha rin ako ng t-shirt ng anak nyang tumatakbong senadora para makumpleto ko na ang koleksyon ko ng saplot ng buong angkan nila. Para na rin kaming magkamag-anak kung magkagayun. May mga leaflets din ng mga kandidato na pinamimigay na nagagamit ko sa banyo sa bahay kasi hindi naman kami bumibili ng tissue. Sana lang may mga ipamimigay ring mga pamaypay. Panay pa naman ang brown-out dito sa probinsiya namin.
Handa na ang listahan ko ng mga kandidatong iboboto ko sa senado. Kasama doon si Jackie Enrile. Napansin ko kasi, puro mga action stars ang nasa senado. Andoon si Jinggoy, si Bong Revilla, si Lito Lapid. Sa pagkakaalam ko, action star din si Jackie (pangalan pa lang, pang-action star na eh) kasi diumano magaling siyang bumaril ng tao. Kaya naisip ko na bagay din siyang mapasama sa hanay ng mga action stars, este, sa hanay ng mga senador. Iboboto ko rin si JV Ejercito. Natutuwa kasi ako kapag nakikita kong umaasenso ang isang buong pamilya. Biruin niyo, senador ang kuya niya, mayor ang nanay niya, tapos baka maging mayor ulit ang tatay niya. Napapakanta tuloy ako ng “Mother, father, brother, sister, how do you brush your teeth?” Kung umaasenso ang isang buong angkan tulad ng mga Ejercito-Estrada at mga Arroyo, nabibigyan ako tuloy ng pag-asa na pwedeng umasenso rin ang buong pamilya ko. Hindi mawawala sa listahan ko si Chiz. Bakit kanyo? Wala lang. Crush ko kasi si Heart. Yaaameee! Gusto ko naman si Cynthia Villar kasi siya ang kampeon ng manggagawang Pilipino. Marami ngang nabigyan ng trabaho ang mga Villar nung pinagawa nila ang C5, eh. Hindi nga lamang maliwanag sa akin kung papano niya ngayon maiaahon tayong mga Pilipino sa pagligo sa dagat ng basura, pero alam kong magkakaroon ng trabaho lahat ng mamamayan kapag nahalal si Misis Hanep Buhay. Idol ko naman si Nanay Nancy Binay. Hanga ako sa kanya kasi gusto niyang maging senadora agad kahit wala pa siyang karanasan sa pagiging mambabatas. Tulad niya, nangarap din ako dati na matanggap bilang superbisor sa pabrika sa probinsya namin kahit na wala akong kwalipikasyon. Tiyuhin ko kasi sa tuhod ang manager ng pabrika. Nabigo ang aking pangarap. Hindi ako tinulungang makapasok sa trabaho ng tiyuhin ko. Laki ng tampo ko noon sa tiyuhin ko. Kaya tama lang na tulungan ni Bise Presidente na makamit ni Nancy ang kanyang pangarap. Tutal, libre lang naman mangarap. Pero kung pwede mong bilhin ang pangarap mo, mas mainam. Kung kaya mo namang bilhin ang pangarap mo na gamit ang pera ng ibang tao, eh di ikaw na. Kaya nga nung nagpamudmod si Bise Presidente ng mga titulo ng lupa sa mga maralitang tagalunsod sa Butuan, pinaalala niya sa mga tao na siya ang tatay ni Nancy na tumatakbo bilang Senadora. Yan ang pagmamahal at suporta ng isang ama. Sana naging ganun din ang tiyuhin ko.
Nagdadalawang-isip pa ako kung iboboto ko si Risa Hontiveros. Di ba isa siya sa mga nagtulak para maipasa ang RH Bill? Diyos ko, laking takot ko noon na mapunta ako sa impiyerno dahil sa panukalang RH Bill na yan! Paano ba naman, tuwing nagsisimba ako ay yan na lang lagi ang laman ng sermon ng pari ng parokya namin. Kasi nga sabi nila masama ang RH Bill. Pwede naman kasing mag-family planning nang hindi gumagamit ng condom. Nagawa nga ng ilang pari sa probinsiya namin na tig-iisa lang ang anak kahit na natural family planning ang gamit nila. Ayoko rin kay Risa kasi lagi niyang hinahamon makipagdebate si Nanay Nancy. Para ano pa? Pang-praktis para sa senado? Pwede naman tumagal sa senado na hindi nagsasalita at nakikipagdebate, tulad ni Lito Lapid. Bakit kailangan pang makipagtalo? Peace lang tayo, mga tsong. Kahit naman hindi makapagpraktis si Nanay Nancy ng pakikipagdebate, kapag nanalo na siya bilang senadora, maaari naman siyang kumuha ng mga staff na marunong mag-google at mag-download ng talumpati ng ibang tao. Tuturuan naman siguro siya ni Tito Sotto ng tamang paraan ng pangongopya ng lathalain ng ibang tao.
Hindi ko tuloy ma-gets minsan kung bakit ginagawang komplikado ng mga tao ang halalan. Hindi ko rin maintindihan kung bakit masyadong sineseryoso ito ng mga tao. Hindi naman mahirap paunawain kaming mga botante. Sa akin nga, kung sino ang makita kong pinakamalupit na mag-Giyomi sa miting de avance, malamang iboboto ko. Nakakainis na kasi yung mga sumasayaw ng Gangnam at Harlem Shake. Luma na ang mga yon, eh. Sinasabi ng iba, bobo daw ako at ang iba pang mga botanteng Pilipino kasi nagpapadala kami sa mga pasayaw-sayaw at sa mga artista. Hindi naman namin kasalanan siguro na ito na ang nakagisnan namin tuwing panahon ng pangangampanya. Sa ganitong paraan, mas madali kong naaalala ang mga pangalan ng mga kandidatong iboboto ko. Sana lang, kapag nanalo na sila at naupo na sa pwesto, maalala rin nila ako.

--------------------------------------------------------------------

a must read written by a good friend of mine!

No comments: