another masterpiece by my friend ariel. hehe. read on.
------------------------------------------------------------------
Kung ako ang Pangulo ng Pilipinas, eto sana yung SONA ko nung nakaraang linggo...
SONA
By: Ariel
Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano Belmonte; Bise Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; Chief Justice Renato Corona at ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na kasapi ng diplomatic corps; mga miyembro ng Kamara de Representante at ng Senado; mga Local Government officials; mga miyembro ng ating Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan;
At sa mga minamahal kong kababayan, ang aking butihing mga boss:
Bago ko po umpisahan ang aking talumpati ay nais ko munang pasalamatan ang PAGCOR sa kapeng kanilang ipinamahagi na iinom ninyong lahat ngayon.
Humarap po ako sa inyo noong aking inagurasyon at sinabing: Walang wang-wang sa ating administrasyon. At ngayon, ibabalik po natin ang wang-wang, subalit sa mga tama at angkop na sitwasyon lamang. Halimbawa, pag si Senator Enrile ay biglang inatake ngayon sa puso dala ng edad niyang isandaan at dalawampu’t isa, maaari pong gamitin ang wang-wang para isugod siya sa St.Luke’s.
Marami po tayong matagumpay na kwento sa loob lamang ng isang taong paninilbihan sa sambayanang Pilipino. Isang milyon at apat na raang libong trabaho(1,400,000) ang nalikha nitong nakaraang taon, nagtatapos po ng Abril. Magiging isang milyon, tatlong daan siyam naput siyam na libo, siyam na raan siyamnaput siyam(1,399,999) na trabaho na lamang ito kapag natanggal na ang susunod na matabang kalahok ng “Biggest Loser Pinoy Edition”. Nitong nakaraang taon, nalampasan na ng Pilipinas ang India bilang pangunahing bansa sa buong mundo sa industriya ng Business Process Outsourcing or BPO/Call Center. Ibig sabihin po nito, mas marami na ngayong Pilipino na napupuyat at hindi nakakapanood ng “Amaya” at “Minsan Lang Kitang Iibigin”. Muli pong nanumbalik ang tiwala at nabuhay ang kumpiyansa ng mga banyaga at turista sa ating bansa. Pinatibayan po ito ng pagdalaw dito nina Justin Bieber, Miley Cyrus, 2NE1, at nitong nakaraang linggo lamang, ang Incubus. Hindi po dito nagtatapos ang magandang balita. Sa katunayan, nakabili na po ako ng bleacher ticket para sa Westlife Gravity Tour Concert sa Setyembre beinte nuebe. Excited na po ako.
Sa kabila ng lahat ng aking nabanggit, patuloy pa rin ang pagbatikos sa akin ng oposisyon. Ang bintang po nila ay wala pa ring pong asensong naidulot ang ating administrasyon para sa bayan. Hello!!! Isang taon ko pa lang pinagsisikapang iahon ang ating bansa mula sa siyam na taong paglustay sa kaban ng bayan ng dating administrasyon. Sii Barack Obama nga, hanggang ngayon ay hindi pa rin naiaayos ang ekonomiya ng Estado Unidos mula sa walong taong pakikipaggiyera ni George W. Bush. Ito minsan ang problema sa ating mga Pilipino. Gusto lagi natin ng madaliang gantimpala, ng “instant gratification”, ika nga. Mainipin tayo. Tulad na lang ng ating hinihiling mula sa Azkals. Gusto natin, ngayon pa lang, umabot at mag-qualify na sila sa World Cup. Hinay-hinay lang. Maghunus dili muna tayo. Ang pagbabago at pagaasenso ay mararating natin kung tayong lahat, hindi lamang ang pamahalaan, ay mananalig, magtitiwala, at magtutulungan.
Isang pang batikos ng oposisyon ay ang hindi daw wastong pamamahagi ng Priority Development Fund(PDF) or “pork barrel”, na kung tawagin noon ng dating First Gentleman Mike Arroyo ay “personal savings account”. Wala pong katotohanan ang bintang na ito ng oposisyon. Napaglaanan na po ng PDF ang mga lugar kung saan ang mga kongresista ay galing sa oposisyon, tulad ng Albay, Maguindanao, Nueva Vizcaya, Lanao, at Pampanga, kaya hindi po pwedeng sabihin ng mga nasa oposisyon na sila ay “pork-less”. Kailangan lang po tingnan ni Gloria Macapagal-Arroyo ang dating First Gentleman para malaman niya na hindi siya “pork-less”. Hindi po literal ang ibig kong sabihin nito. Pero pwede rin naman.
Marami pa po tayong mga plano at programa na maisasakatuparan sa darating pang mga buwan. Maglalagay po tayo ng satellite office ng Senado sa Spratlys. Ang mamamahala po ng satellite office doon ay sina Lito Lapid, Bong Revilla, Jinggoy Estrada, Ping Lacson, Gringo Honasan, at Antonio Trillanes. Tingnan lang natin kung papalag pa ang mga Instik. Para po napapanahon ang serbisyong matatanggap ng mga mamamayan mula sa pamahalaan, mahigpit ko pong ipagbabawal ang Facebook sa mga computers ng lahat ng ahensya at tanggapan ng gobyerno. Google Plus na lamang po ang pinapayagan ng ating firewall. Mahigpit ko na rin pong ipagbabawal ang traffic sa EDSA at sa C5. Gagawin ko pong “priority bill” ang Reproductive Health Bill. Nais ko lang po liwanagin na hindi nasasakop sa RH Bill ang abortion. Ako po mismo ay hindi pabor sa abortion sapagkat natunghayan ko na ang masamang epekto nito sa katauhan ni Willie Revillame na siyang tanging kaso ng abortion na nabuhay. Hindi po ako sang-ayon sa natural family planning method na tinataguyod ng simbahang katoliko tulad ng “withdrawal method”. Napakabigat na pasan at napakahirap na imposisyon ito sa mga tao. Hindi po ito makatotohanan. Pag puputok na ang isang tao, ang natural na gagawin niya ay susulong at hindi uurong. Dapat alam ito ng mga pari at obispo base na rin lamang sa kanilang sariling karanasan.
Hinihiling ko rin po sa media na tantanan na ang pagbabalita tungkol sa aking “lovelife”. Hindi po ako nagmamadaling mag-asawa. Pana-panahon lang yan at hindi hinahanap. Parang tagyiwat yan, hintayin mo lang at tiyak na darating at magbubunga. Nabasa ko po ang isang pag-aaral na nagsasaad na mas mahaba ang buhay ng mga lalaking may asawa kesa sa mga binatang lalaki. Ayon na rin sa nasabing pagaaral, mas mataas ang insidente ng pagpapakamatay sa mga lalaking may asawa kesa sa mga binatang lalaki. Ayaw ko pong mangyari sa akin to. Mas maraming mahahalagang isyu ang dapat ipamahayag ng media kesa sa “lovelife” ko.
Dito na po magtatapos ang aking mensahe. Sa mga nasasagasaan po natin sa landas ng katapatan at integridad sa pamamahala, ito naman po ang aking masasabi: pasalamat kayo at hindi na Porsche ang ipangsasagasa ko sa inyo. Sa dating naglapastangan sa mamamayan sa pamamagitan ng walang kahiyaang pandarambong: naituro sa amin nina Harry, Ron, at Hermione kung papaano makapasok sa Gringotts kung saan ipinatago mo sa mga kalahi mo ang pera ng bayan. Mababawi namin yon, tapos ipapatapon ka namin sa Azkaban.
Sa lahat ng mga kasama natin sa tuwid na daan: kayo ang lumikha ng pagkakataong baguhin ang dinatnan, at gawing mas maganda ang ipapamana natin sa susunod na salinlahi ng mga Pilipino. Matagal pa po siguro bago ako magkaanak, pero gusto ko na kapag dumating ang panahon na magkaanak na ako, mamumulat siya sa isang bansa na maaari niyang maipagmalaki at hindi niya kailangan pang iwanan. Maraming salamat at mabuhay ang sambayang Pilipino.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment